top of page

Ako si Kuya Tope. Mahilig akong magpasaya.

Christopher John Egana

Iyan ang aking pakilala ko sa mga batang aking nakasalamuha sa Isabela. Mga batang biktima ng isang kalamidad, ang bagyong Lawin. Sila ang mga munting kabataan ng Mababang Paaralan ng Batong Labang na bumabangon ng buong tapang.

Ako si Kuya Tope. Mahilig akong magpasaya.”


Iyan ang aking pakilala ko sa mga batang aking nakasalamuha sa Isabela. Mga batang biktima ng isang kalamidad, ang bagyong Lawin. Sila ang mga munting kabataan ng Mababang Paaralan ng Batong Labang na bumabangon ng buong tapang. Mga kabataang may matayog na pangarap sa kabila ng mga problemang kanilang kinakaharap. Mga kabataang simbolo ng pag-asa upang muling maitindig ang sariling bayan mula sa pagkakadapa.


Sa loob ng ilang araw na pagbabahagi namin ng kaalaman at pagbibigay kasiyahan sa mga bata, nasaksihan ko ang kanilang disiplina, katatagan at kabutihan. Nabigyan ako ng pagkakataong makilala ang bawat isa sa kanila. Akin silang nakalaro, nakatawanan at nakakwentuhan. Binuksan ko ang aking mga tenga upang marinig ang kanilang mga kwento na talaga namang kumurot sa aking puso. Ngunit hindi ko hinayaang tumulo ang aking luha.


Sa pagkakataong iyon, halo-halong emosyon ang aking nadama. Nalungkot ako dahil nalaman ko ang madilim nilang pinagdaanan at akin mismong nasilayan ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Ngunit sa kabilang banda ay nakaramdam naman ako ng kasiyahan pagkat sa kabila ng kanilang mapait na karanasan, mga munting ngiti sa kanilang mukha ang aking nasilayan. Patunay lang na anumang unos ang dumaan, hindi dapat natin ito hayaang matibag ang pundasyon ng ating mga pangarap. Nawa'y magsilbi itong aral sa ating buhay at inspirasyon upang tayo ay magsikap sa pagtahak sa landas ng tagumpay.


May isang aktibidad kaming isinagawa kung saan ipinaguhit namin ang mga bagay na kanilang gusto o nais. May mga gumuhit ng bahay—marahil ay nais nilang muling buuin ang mga tahanang nasira ng nagdaang bagyo. Karamihan naman sa kanila ay gumuhit ng isang tulay. Tinanong namin sila kung bakit tulay ang kanilang iginuhit. Nahabag ako sa kanilang mga kasagutan.


Ang tulay na kanilang tinutukoy ay ang tanging tulay na nagdudugtong sa magkabilang pangpang na ipinaghihiwalay ng isang ilog. Ito ang nagsisilbing daan nila upang marating sila sa kanilang paaralan. Subalit ang tulay na ito ay nasira noong dumating ang bagyong Lawin. Kaya naman hindi maipagkakailang malaki ang epekto sa mga mag-aaral mula sa kabilang bahagi ng ilog dahil kakailanganin nilang sumakay pa sa isang bangka upang malampasan ang rumaragasang agos ng ilog.


Tuwing sila’y tumatawid para pumasok sa paaralan, nalalagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan at maaaring magdulot sa kanila ng kapahamakan. Ngunit tinitiis nila ang ganitong sitwasyon dahil alam ng mga batang ito ang kahalagahan ng edukasyon. Hindi ito maaaring maging hadlang o balakid sa pagkamit ng sinasabing susi sa kaunlaran at daan upang takasan ang rehas ng kamangmangan.


Sa aking opinyon, ang edukasyon ay maihahalintulad sa isang tulay na magdurugtong sa atin at sa ating mga pangarap. Ito ang magiging pinakamatibay na tulay na hindi matitibag ng kahit anong bagyo o kahit ano mang sakuna. At sa pagtahak sa tulay tungo sa ating mithiin, may mga aral sa buhay na ating babaunin. Tibay ng loob, pagtutulungan, at pagmamahalan ang tangi nating sandata upang lampasan ang lahat ng mga problema.


Sa loob ng ilang araw na pagbabahagi ng kaalaman at saya sa mga batang puno ng ligaya, ang pagod at hirap ay hindi ko inalintana. Napalapit na kami sa mga bata kaya naman hindi namin napigilang mapaluha noong kami ay kanilang pasalamatan sa aming huling araw sa komunidad.


Ang karanasang ito ang magsisilbing inspirasyon para sa akin upang magpatuloy sa ganitong uri ng gawain. Kay dami kong natutunan bilang isang volunteer play facilitator kasama ang mga taong buong pusong inalay ang sarili para sa kapakanan ng iba. Nakakagalak na marami pa rin ang mga taong isinasabuhay ang konsepto ng bolunterismo. Ang mga oportunidad gaya nito ay hindi matatawaran kaya naman nais kong pasalamatan ang Unilab Foundation sa pagkakataong mapabilang sa ganitong uri ng programa, pati na rin sa mga taong nasa likod nito upang lahat ng ito ay maging posible.


Muli, ako nga pala si Kuya Tope at mahilig akong magpasaya!


Christopher John Egana or Kuya Tope is a certified Play It Forward On The Move facilitator from Malabon City. He is an adviser at the Pag-Asa Youth Association of the Philippines. He loves acting, writing poems and essays, playing volleyball and watching movies.

5 views0 comments

Commentaires


bottom of page