A long “roadtrip” just to deliver happiness straight from the heart. Volunteers from Valenzuela of Play It Forward-On The Move Play Day at Batong Labang Elementary School, Ilagan, Isabela.
Naranasan mo na bang mag-roadtrip hindi para gumala kundi para magvolunteer? Kami, oo! Kasama ang iba pang mga volunteers mula sa Valenzuela at ang staff ng Unilab Foundation, labindalawang oras ang tinahak namin bago marating ang bayan ng Ilagan, Isabela, at isang oras pa ulit para makarating sa Batong Labang Elementary School kung saan gaganapin ang Play It Forward-On The Move Play Day.
Pagdating pa lang sa school ay ngiti na ng mga bata at magulang ang sumalubong sa amin, sa una ay di mo maiisip na nasalanta sila ng bagyo, ngunit nang nagsimula na ang session at activities ay may mga iba’t-ibang emosyon ang lumabas. Nandoon ang takot, lungkot at pangamba na baka maulit ang sakuna. Nakakalungkot marinig ang kanilang mga kwento, halos maiyak kaming lahat dahil ramdam namin ang bigat ng dinanas nila, ngunit sa kabila nito ay naging matatag at positibo pa rin sila. Ang mga bata at magulang ay aktibong nakisali sa session at makikita sa kanilang mga mata ang saya sa ginagawa.
Nakakatuwa na sa sandaling oras na aming inilaan ay nakalimutan nila ang nangyaring sakuna. Hindi ko malilimutan si Ivan, isang bata na lumapit sa akin at may inabot na drawing, nakangiti sya sabay sabi saken na "Kayo po ‘yan." Natulala ako saglit, nagulat pero napangiti ako nung nakita ko yung drawing nya, isang mala-Superman na larawan. Nakakataba ng puso. Hindi ko inakala na naging malaki ang epekto sa kanila ng aming ginawa, nakakatuwang isipin na sa maliit na bagay na iyon ay nagkaroon sila ng kasiyahan at pag asa.
Hindi ko malilimutan yung mga ngiti na naiwan sa kanilang labi matapos ang Play It Forward-On The Move Play Day. Natutunan ko na sa lahat ng problema o sakuna na ating haharapin, maging positibo lang tayo at ngumiti. Maraming salamat, Unilab Foundation, sa pagkakataon na ito. Nakita ko na marami pa rin palang tao ang handang tumulong sa mga kababayan natin na nangangailangan at walang hinihintay na kapalit. Talaga ngang maaari tayong maging Superhero kahit sa simpleng paraan lang. Hindi man kasingganda ng Palawan o Boracay ang napuntahan namin, eto naman ang roadtrip na talagang hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko.
Xyza May P. Espinosa or Ate Xy is a certified Play It Forward-On The Move facilitator. She is an adviser of the Barangay Children and Youth Association-Malabon.
Comments