Kung kaya’t nakita at napatunayan ko na hindi lamang kasiyahan ang idinulot ng ULF sa aking mga ka-barangay, naibalik rin nila ang karapatan nilang maging bata.
Ako po si Maria Dyna Bayoneta, Barangay Secretary ng Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon. Base po sa aking karanasan bilang isang facilitator ng Play It Forward On the Move, isang programa ng Unilab Foundation (ULF), isa po itong napakalaking responsibilidad dahil ako po’y wala masyadong karanasan pagdating sa mga bata. Ang tungkulin ko po bilang isang Barangay Secretary ay gumawa ng mga reports ng barangay, at maging kaagapay ng Punong Barangay sa kanyang mga programa.
Kaya nang dumating ang ULF at mga guro ng Miriam College sa aming barangay, doon ko napagtanto na napakaswerte namin. Sa dinami-dami ng mga barangay sa Pilipinas, ang aming barangay ang unang napili upang makatanggap ng Play It Forward On the Move kits. Dahil sa programang ito, nabigyang kasiyahan ang aming mga ka-barangay lalo’t higit ang mga kabataan.
Kami ay tinuruan kung paano ituro ang paggamit ng kit na ito sa mga bata. Natutunan ko rin kung paano makisalamuha sa mga bata, at nalaman ko din na ang mga bata ay may iba’t-ibang pag-uugali. Natuto akong maging mahinahon at doon lubos kong naunawaan kung bakit mayroong mga bata na kakaiba ang mga pag-uugali at asal. Maaaring sila ay may pinagdaraanan sa kanilang buhay, o may trauma na dala ng kanilang mga naging karanasan.
Nang isagawa namin ang programang Play It Forward On The Move para sa 200 na mga bata, nakita ko ang kasabikan sa kanilang mga mukha. Karamihan sa mga bata dito sa amin, lalo’t higit ang mga nakatira sa tabing dagat, ang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang mga magulang ay ang pangingisda. At sa mura nilang edad, sila ay napapasabak na sa mga gawain upang makatulong sa kanilang mga magulang. Na dapat sa murang edad, sila ay naglalaro lamang at nag-aaral.
Kung kaya’t nakita at napatunayan ko na hindi lamang kasiyahan ang idinulot ng ULF sa aking mga ka-barangay, naibalik rin nila ang karapatan nilang maging bata. Ang mga magulang naman na naging bahagi rin ng programa ay lubos na naunawaan nila ang kanilang obligasyon sa kanilang mga anak at nararapat na ibigay ang karapatan ng mga bata.
Maipapamahagi ko ang aking mga natutunan, hindi lamang sa ganoong pagkakataon, kung hindi sa lahat ng oras, may kalamidad man o wala, patuloy akong aagapay sa pamahalaan at sa indibidwal na mamamayan at kung sakaling magkaroon muli ng ganitong programa, handa akong ibigay ang aking serbisyo sa mga nangangailangan at lalo’t higit para sa kapakanan ng mga kabataan.
Maraming salamat po.
Maria Dyna Bayoneta is now a certified Play It Forward On the Move facilitator in Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon. Dyna, and 20 others, were trained by Miriam College to conduct the modules on therapeutic play for child survivors of typhoons. They conducted a whole-day play session to over 200 children at the Caridad Ibaba Elementary School on August 24, 2015.
Comments